EDITORYAL - Kailan magbabago ang Customs?

WALA pa ring pagbabago sa Bureau of Customs. Kapos pa rin sa target na revenue collections at patuloy ang corruption. Mula nang italaga ni President Noynoy Aquino si Customs Commissioner John Philip Sevilla noong Disyembre 12, 2013, wala pa ring kakaibang nangyayari. Ang akala nang marami, matapos italaga si Sevilla, makapagsasagawa agad ng reporma sa maanomalyang Customs pero hindi pala.

At ang nakapagtataka, ngayon pa lamang mag-uumpisa ang sinasabing reporma. Ayon kay Sevilla, sa susunod na 12 buwan ay ipatutupad na ang aggressive reforms. Kabilang sa mga ipatutupad ay ang pag-i-improved sa revenue collections at pag-eliminate sa corruption.

Maraming nag-akala na magkakaroon na ng reporma mula nang mawala si dating Customs Commissioner Ruffy Biazon. Nag-resign si Biazon noong nakaraang taon makaraang masangkot ang pangalan sa PDAF scam. Bago ang pagbibitiw ni Biazon, mara-ming beses nagpasaring si P-Noy sa Customs. Nang magdiliber ng kanyang SONA si P-Noy noong Hulyo 2013, sinabi niya na nakikipagtagisan sa kapalpakan ang Bureau of Customs. Imbes daw na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, ilegal na droga, armas, at iba pa. Tinataya raw ng Department of Finance na mahigit P200 billion ang kita na dumudulas at hindi na ito napupunta sa kaban ng bayan. Mas matindi ang mga huling pana­nalita na binitiwan ng Presidente: “Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Marami pong gabi bago ako matulog, kulang na lang ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo.” Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto.”

Hindi kaya ganito ring pananalita ang bitawan ng Presidente sa kanyang SONA kaugnay sa nangyayaring katiwalian, rice smuggling at mahinang revenue collections sa Customs.

Posible kung walang gagawing pagbabago ang Customs commissioner.

 

Show comments