Wala nang kaduda-duda

NAGTAGUMPAY muli ang pambansang kamao! Hindi man niya napatumba si Timothy Bradley, na hangad nang marami, malinaw ang kanyang pagkapanalo sa ikalawang laban nila. Unanimous decision ang pagkapanalo ni Pacquiao. Kaya mas lalong naniniwala ang taumbayan, pati na rin ng mga eksperto sa ibang bansa, na dapat si Pacquiao ang nanalo sa una nilang laban. Ayon mismo kay Pacquiao, mas magaling si Bradley sa kanilang pangalawang laban. Pero ganun pa man, ipinakita ni Pacquiao na hindi siya mananakawan sa laban na ito. Wala nang kaduda-duda ang kanyang panalo.

Kontrolado ni Pacquiao ang laban mula Round 5. Sa tingin ng mga eksperto, nawalan ng buwelo si Bradley dahil tila nanggigil sa mga unang round. Nais sigurong tapusin na ang laban para hindi na umabot sa 12 rounds.

Pero kung may nagnakaw ng eksena na napanood     ng buong mundo, ito ang “pagdarasal” ni Mommy Dionisia, o ang mas kilalang “PacMom”! Nakunan ng kamera ang kanyang pagdarasal, na sa tingin ng iba ay kulam. May hawak-hawak na rosaryo at tila may binibigkas, sabay turo kay Bradley ng mga daliri! At mukhang tumalab. Sumikat nang husto ang video ni Mommy D, at pumasok ang mga komentaryo mula sa buong mundo. Siya raw ang dapat katakutan, hindi si Manny.

Dalawang magkasunod na laban ang napanalunan ni Pacquiao. Sa kabila ng hiling ng kanyang asawa na sana ay magretiro na siya, magpapatuloy pa rin daw ang kanyang paglalakbay sa boksing. Kung sino ang susunod na kalaban ay hindi pa alam. Siyempre matunog na naman ang sagupaang Pacquiao-Mayweather. Samantala, mukhang may isa pang laban na naghihintay kay Pacquiao --- ang BIR. Mukhang magkakaroon na naman sila ng isang round ng BIR! Sana lang, maging maayos ang usapan, para masaya lahat. Gusto rin ng buong bansa   na ma-enjoy ang bagong tagumpay ni Pacquiao.

Show comments