Housing assistance para sa Yolanda victims, pinupulitika?

PINUNA ng iba’t ibang sektor ang pamumulitika umano ng admi­nistrasyon kahit sa trahedyang sinapit ng maraming kababayan sa Super Typhoon Yolanda. Partikular sa usaping ito ang housin­g assistance program para sa mga nabiktima ng bagyo. Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 80,000 bahay sa Eastern Visayas region ang nawasak.

Sa isinagawang pagdinig ng Senado sa proposed 2014 national budget ay inilahad ang nais ng Malacañang na huwag nang bigyan ng pondo ang National Housing Authority (NHA) para sa housing assistance sa mga nasalanta ng bagyo, at sa halip isasailalim umano ito sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Ang NHA ang ahensiyang inatasan ng batas na pangunahan ang malawakang paggawa ng mga bahay katuwang ang Home Guaranty Corp., National Home Mortgage Finance Corp., at Housing­ and Land Use Regulatory Board sa ilalim ng National Shelter Program na pinangangasiwaan ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) kung saan ay nagsisilbing chairman si Vice President Jojo Binay.

Pero sa kabila ng mandato, expertise, mga tauhan at kagamitan ng NHA para sa naturang larangan ay ayaw ng Malacañang na ipaasikaso rito ang housing assistance program para sa mga biktima ng kalamidad at sa halip ay nais nito na pangunahan ito ng DILG sa pamumuno ni Secretary Mar Roxas kung saan ay paglalaanan ito ng pondong P1.24 bilyon.

Alam ng publiko na si Roxas, malapit na kaalyado ni Pres. Noynoy Aquino, ang planong pambato ng Liberal Party sa 2016 presidential election at si Binay naman ay pambato ng oposisyon.

Puna ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, “Ano ba’ng gustong palabasin ng gobyernong ito? They don’t want the NHA to succeed kaya hindi nila binigyan ng budget? Politics is playing a big role here. Imagine, giving P1.24 billion to the DILG for housing programs… function ng NHA ito, hindi naman ng DILG.”

 

Show comments