Nawalan ng preno
MANILA, Philippines — Tatlong katao ang nasawi habang 17 na iba pa ang sugatan nang araruin ng bus na nawalan umano ng preno ang walong sasakyan habang bumabagtas sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Fairview, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal report na tinanggap ni Quezon City Police District (QCPD) director PBrig. Gen. Redrico Maranan mula kay PLt. Hermogenes Portes, Jr., ang mga nasawi ay isang 7-anyos na nene, 45-anyos na babae; kapwa taga Camarin, Caloocan at isang 25-anyos na lalaki na taga San Mateo, Rizal.
Nakakulong naman ang driver ng bus na si Rolly Canapi Pascua, 42, ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Lumilitaw na nangyari ang karambola dakong alas-9:37 ng gabi nitong Lunes sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Fairlane St., Brgy. Fairview ng nasabing lungsod.
Binabagtas ng bus na minamaneho ni Pascua ang kahabaan ng Commonwealth Ave patungong Elliptical Road nang mawalan umano ito ng preno.
Nakita sa kuha ng CCTV na dahil sa bilis ng takbo ng bus, inararo nito ang dalawang motorsiklo at UV Express na nasa harapan na tumama naman sa apat pang motorsiklo at isang taxi.
Nabatid na ang isang nasawi ay sakay ng motorsiklo na pumailalim sa bus habang ang dalawa pa ay sakay naman ng UV Express.
Humihingi naman ng tawad ang driver ng bus at hindi umano niya ginusto ang nangyari.
Sasampahan ng Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries at Multiple Damage to Property ang nasabing driver.