Abogado, 1 pa timbog sa P1.3 milyong shabu

Stock image of methamphetamine.
Image by JR from Pixabay

MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng Quezon City Police District-District Drug Enforcement Unit ang isang abogado at kaibigan nitong babae na umano’y mga bigtime drug pusher kung saan nasabat sa kanila ang nasa P1.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan ang mga suspek na sina Camilo Montesa IV, 57, private lawyer, residente ng Brgy. Central Diliman, Quezon City at Maria Victoria Balajadia, 39, ng Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Lumilitaw sa records na ang mga suspek ay kapwa kabilang sa drug watchlist ng Directorate for Intelligence (DI).

Ayon kay PMaj Wennie Ann Cale, Officer-in-Charge ng DDEU, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.

Agad na ikinasa ng DDEU ang buy-bust operation dakong alas-5:25 ng umaga ka­makalawa kung saan isang pulis ang nagsilbing poseur buyer.

Nang makabili ng halagang P81,000 ha­laga ng shabu kinum­pas ng poseur buyer ang signal at inaresto ang mga suspek.

Nasamsam pa sa mga suspek ang nasa 202 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,373,600.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Show comments