Ret. Marine utas sa kapitbahay

MANILA, Philippines — Patay ang isang retired Marines officer matapos na saksakin sa likod ng kanyang kapitbahay na kanyang nakaalitan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Ric Dingle, 65, security, residente ng Brgy., Bagong Silangan, Quezon City, habang nakatakas naman ang suspek na si  Carlos Julaton, 47, na natura ring barangay.

Sa pagsisiyasat ni PCpl Nestor Ariz ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente alas -11:40 ng gabi nitong Martes sa basketball court ng Eagle St., Area 2, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.

Nauna rito, nakita ng isang saksi ang biktima at suspect na nag-uusap at tila nagtatalo.

Nakita na lamang niyang sinuntok ng biktima ang suspek kaya inawat niya ito at sinamahan sa paradahan ng kanyang motor.

Subalit lingid sa kaalaman ng biktima at nang umawat na saksi, sinundan sila ng suspek kung saan inundayan ng saksak sa likod si Dingle na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.

Kasunod nito ang pagtakas ng suspect dala ang patalim na ginamit.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa suspek na nahaharap sa kasong murder.

Inaalam na rin ng pulisya ang motibo ng krimen.

Show comments