Pambobomba sa MSU kinondena ng CBCP
MANILA, Philippines — Mariing tinutuligsa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naganap na pambobomba sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) kung saan nagsasagawa ng Catholic mass gathering kahapon ng umaga na ikinasawi ng ilang indibidwal at ikinasugat ng iba pa.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng Social Action Justice and Peace Commission ng CBCP, walang puwang sa pamayanan ang anumang uri ng karahasan.
Kasabay nito, umaapela rin si Bagaforo sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan lalo na ngayong Christmas season. Nananawagan din siya na kaagad tukuyin, arestuhin at panagutin sa batas ang mga taong nasa likod nang pagpapasabog.
Lumilitaw sa ulat ng Philippine National Police (PNP) na dakong alas-7:10 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa Dimaparo Gymnasium ng MSU. Kasalukuyang dumadalo ng isang Banal na Misa ang mga estudyante at kawani ng unibersidad nang isagawa ang karahasan.
Kaugnay nito, ikinalungkot rin ng obispo ang insidente lalo’t nagsusumikap ang religious leaders ng Mindanao na isulong ang pagbubuklod sa lugar upang makamit ang kapayapaan ng pamayanan.
“I am appalled by the blatant act of terror that the perpetrators were able to commit especially at this time when we are celebrating the Mindanao Week of Peace!” aniya pa.
- Latest