Gasolinahan sa Visayas Ave., Quezon City, isinara dahil sa gas leak

MANILA, Philippines — Pansamantalang ipinasara Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang gasoline station sa Visayas Avenue dahil sa hinihinalang gas leak.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng BFP matapos na ireklamo ng ilang residente ang Power Fill gas station sa kanto ng Lands St. at Visayas Avenue sa Brgy. Vasra.

Nabatid na Linggo ng gabi ng makaamoy ang mga residente ng gas leak hanggang sa mas tumindi ang  amoy, kahapon ng  umaga.

Dahil dito, agad na ipinatigil ng BFP ang operasyon ng gasolinahan habang iniimbestigahan ang hinihinalang gas leak.

Inirekomenda na ng BFP na higupin ang laman ng underground fuel tank at magsagawa ng leak test.

Dahil naman dito, bahagyang may pagsikip sa daloy ng mga sasakyan na papasok ng Visayas Ave., mula sa Elliptical Road dahil isinara rin maging ang kalsada sa tapat ng gasolinahan.

Show comments