Chinese na sinisingil ng utang nagwala, kalaboso

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang Chinese national nang magwala sa loob ng isang resort casino nang singilin siya sa utang ng kaniyang kababayan, kamakalawa ng tanghali sa Parañaque City.
Nahaharap ngayon sa mga kasong unjust vexation at estafa ang suspek na kinilalang si Haoyi Li, 34.

Sa ulat ng Parañaque City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali sa loob ng isang resort-casino sa Brgy. Tambo, ng naturang siyudad.

Ayon sa pulisya, unang nangutang ang suspek sa biktimang si Xianglong Zeng, 32, ng halagang P600,000 at nangako na babayaran siya ng 75,000.00 RMB sa kaniyang Alipay online fund transfer.

Nang makita ni Xianglong si Haoyi sa loob ng naturang casino, tinanong niya ito kung nakapag-fund transfer na ng ipinangako niyang pera. Pero sa halip na tumugon ng maayos, nagalit pa ang suspek, dinuro-duro, sinigawan at itinulak ang biktima.

Dito na pumagitna ang security guard ng casino at inawat ang komosyon.

Ipinasa ang dalawa sa Tambo Police Sub-Station kung saan inaresto ang suspek makaraan ang pormal na reklamo ng biktima.

Show comments