Rider salpok sa truck, dedo

MANILA, Philippines — Patay ang isang rider nang sumalpok sa truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa kahabaan ng C3 Road, Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Idineklarang dead-on-arrival sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Nikki Rae Artango, 28, ng Navotas City.

Samantalang, arrestado naman ang driver ng Isuzu Giga truck na nakilala namang si Andy Rivera, 38, ng Viga Angandanan, Isabela.

Sa report ng pulisya, dakong alas-12 ng hating gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Torcillio St., Brgy., 22, Caloocan City habang kapwa tinatahak ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng C-3 Road patu­ngong Navotas area.

Kumabig umano pakaliwa ang biktima para mag-overtake sa naunang sasakyan sa kanya nang aksidente siyang mahagip at magulungan ng hulihan kanang bahagi na gulong ng truck na minamaneho ni Rivera.

Nagawa pang maisugod ang biktima sa nasabing pagamutan ng mga sumaklolo ritong rescue team pero nabigo ng maisalba ang buhay nito.

Inaresto naman ng mga nagrespondeng awtoridad ang driver ng truck na nahaharap sa kasong kriminal.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.

Show comments