14 kaso ng Omicron subvariant natukoy ng DOH

Artist's rendition of the coronavirus disease.
Pixabay / fernandozhiminaicela

MANILA, Philippines — May 14 na kaso ng mas nakakahawang COVID-19 Omicron BA.2.12.1 ang natuklasan ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila at Puerto Prin­cesa sa isinagawang ‘genome sequencing’.

Sinabi kahapon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dalawa sa mga kaso ay nadiskubre sa Metro Manila. 

Nilinaw ng opisyal na ang dalawang kaso ay parehong nakakumpleto na ng ‘isolation’ at ngayon ay wala nang mga sintomas.

Tinamaan ang da­lawa ng naturang sub-variant ng COVID-19 sa kabila na bakunado at may booster shot pa silang pareho. 

May 39 close contacts ang dalawa na tinitingnan ang DOH ang status ng pagpapabakuna nila at resulta ng kanilang COVID-19 tests.

Samantala, may 12 pang kaso ng BA.2.12.1 ang natukoy naman sa Puerto Princesa. Parte sila ng 14 na turista at isang lokal na nagpositibo sa COVID-19 noong Abril 29.

Lahat naman sila ay wala nang sintomas at nakarekober na.  Ang 28 nilang ‘close-contacts’ ay nagnegatibo na rin sa COVID-19 tests habang bineberipika ang kanilang vaccination status.

Una nang natukoy ng DOH ang isang kaso ng BA.2.12 sa isang Finnish national na bumisita sa Baguio at Quezon City. Nakarekober na rin ang dayuhan at nakauwi na ng Switzerland.

Show comments