U-turn slot sa Dario Bridge, muling binuksan

MANILA, Philippines — Muling binuksan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang U-turn slot sa may Dario Bridge sa EDSA, Quezon City upang mabawasan ang pagbubuhol ng trapiko sa northound lane ng naturang highway.

Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na mapapabilis din ang biyahe ng mga moto­rista sa muling pagbubukas ng U-turn slot dahil hindi na kailangan pang lumayo.

Unang isinara  ang natu­rang U-turn slot dahil sa EDSA Carousel.  Ngunit sa kanilang pag-aaral, mas makakatulong umano sa pagsasaayos sa trapiko ang muli itong buksan.

Nakipag-ugnayan na rin ang MMDA sa BF Corporation na contractor ng itinatayong Common Station ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit para iusog ang kanilang mga bakod sa kanilang ‘work area’ para bigyang-daan ang mga motorista.

May mga nakaumang na ring iba pang proyekto ang pamahalaan para mas mapaluwag pa ang trapiko sa EDSA at ibang bahagi ng Metro Manila.

Bukod dito, may mga panukala rin na laparan ang kalsada sa may bahagi ng Camp Crame, at muling paigtingin ang road clearing operations sa Mabuhay Lanes.

Aminado si Abalos na bumabalik na ang maraming sasakyan sa mga kalsada kasabay ng unti-unting pagbalik sa normal ng mga pampublikong aktibidad sa Metro Manila.

Show comments