Vaccination sites sa Maynila, naging matumal

Sa datos ng Manila Public Information Office, sa 28,000 na naka-iskedyul at pinadalhan nila ng text message para sa kanilang iskedyul kahapon, nasa 4,210 lamang ang nagtungo sa mga vaccination centers at nabakunahan.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Manila City Mayor Isko Moreno na tanggapin na lamang ang sinuman na nais magpabakuna makaraang langawin ang mga ‘vaccination sites’ sa siyudad nang kanselahin ang pagtanggap ng mga ‘walk-in applicants’.

“Ayaw ko na i-pena­lize ang tao, gusto ko ­unawaan na lang may mga kanya kanya dahilan and most of them economic reasons , let US just accomodate everyone,” ayon kay Moreno.

Sa datos ng Manila Public Information Office, sa 28,000 na naka-iskedyul at pinadalhan nila ng text message para sa kanilang iskedyul kahapon, nasa 4,210 lamang ang nagtungo sa mga vaccination centers at nabakunahan.

Partikular ito sa apat na malls na dating dinadagsa ng publiko. Sa Lucky Chinatown nasa 256 lamang ang nabakunahan, 469 sa SM San Lazaro, 379 sa SM Manila at 270 sa Robinsons Manila.

Ito ay makaraang payuhan ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na huwag nang tumanggap ng mga ‘walk-in applicants’ na hindi nakapagparehistro upang maiwasan ang siksikan at hawahan ng virus.

Kahapon ng hapon, sumugod si Moreno sa vaccination center sa Robinson’s Mall at pinagbigyan ang mga nag-aabang na walk-in applicants para mabakunahan sila.  

 

Show comments