Aburidong mister, pinatay sa taga ang live-in partner

Kinilala ang biktima na si Realyn Maglimti Lamban, 27, tubong Samar.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang umano’y aburidong mister ang pinatay sa taga ang kanyang live-in partner sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.   

Kinilala ang biktima na si Realyn Maglimti Lamban, 27, tubong Samar.

Kaagad namang nadakip ng mga awtoridad ang mister na si Ferdinand Suarez Panti, 30, kapwa residente ng 798 Manga St., Sitio San Roque 2, Bagong Pag-Asa, QC.

Ayon sa report ni P/Cpl. Mark Darwin Contado ng Criminal Investigation and Detection Unit-QCPD, bandang alas-3 ng mada­ling araw ay narinig umano ng mga kapitbahay na sumisigaw ang biktima ng “Tulong tulong may sunog”. 

Makalipas ang ilang minuto ay muling sumigaw  ng “Tulong tulong sasaksakin ako ng asawa ko”.

Dahil sa takot na ma­damay ay agad na inireport ng mga kapitbahay sa Project 6 Police Station 15 ang nangyayaring kaguluhan sa bahay ng biktima.

Agad na nagresponde sina PCpl. Reynaldo Corong at Pat. Melchor Delos Angeles at doon ay naabutan na duguan nang nakabulagta ang biktima habang nakatayo sa harap nito ang suspek na may bahid ng mga dugo sa damit habang nasa tabi nito ang gamit na bolo sa pananaga.

Naisugod pa sa East Avenue Medical Cen­ter ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival bandang 4:37 ng umaga.

Sa piitan, ayaw pang magsalita ng suspek kung ano ang motibo nito sa pananaga sa biktima.

Show comments