MANILA, Philippines — Pinasususpinde ng Caloocan City health department sa konseho ng Caloocan City si Brgy. Chairman Romeo Rivera ng Brgy. 171 dahil umano sa kapabayaan sa naganap na pagsu-swimming ng may 500 katao sa Gubat sa Ciudad resort.
Sa motion na inihain nina City Health Evelyn Cuevas at Business Permit and Licensing Office chief Atty. Emmanuel Vergara, nakasaad na nagpabaya si Rivera sa kanyang tungkulin nang payagan umano nito na mag-swimming sa nasabing resort ang nasa 500 katao upang ipagdiwang ang Mothers Day sa kabila na umiiral ang MECQ sa NCR.
Hiling ng mga ito, suspindihin ng 60 araw si Rivera habang sumasailalim ito sa imbestigasyon.
Kasabay nito, kinasuhan na rin si Rivera ng administrative case sa Sangguniang Panglunsod ng Gross Neglect of Duty of Dereliction of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service matapos itong mabigo na ipatupad ang Omnibus Guidelines na ipinatutupad ng IATF.
Ayon sa dalawang opisyal, tila nagbulagbulagan si Rivera sa operasyon ng nasabing resort nang dumagsa ang mga tao na posibleng maging sanhi ng hawaan ng virus.
Anila, dapat lamang na alam ni Rivera ang lahat ng mga galaw sa kanyang mga nasasakupan lalo pa’t limitado ang kilos na pinaiiral dahil sa pandemya.
Una nang sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na hindi siya naniniwala na hindi alam ni Rivera na nagbukas o magbubukas ang resort noong Mothers Day.
Tiniyak naman ni DILG Secretary Eduardo Año na mananagot si Ribera sa nasabing insidente. Ayon kay Año, ipinatawag na ng lokal na pulisya si Rivera, upang papagpaliwanagin sa isyu.
Aniya pa, nasa proseso na ngayon ang Philippine National Police (PNP) at ang Caloocan City government ng paghahain ng kaso laban sa mga lumabag sa community quarantine, kabilang na ang may-ari ng Gubat sa Ciudad Resort.