2 bulagta, 2 sugatan sa kainuman

MANILA, Philippines — Dalawa katao ang patay at dalawa pa ang sugatan matapos na pagsasaksakin ng kanilang nakainuman kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot  sina alyas Ben at alyas Michael Talastas habang ginagamot naman sa ospital sina Raul Dais at Mario Andoy dahil din sa mga tina­mong saksak sa katawan.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., naiprisinta sa inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office para sa kasong two counts of murder at two counts of frustrated murder ang suspek   na si Anthony Leyte, 45.

Sa inisyal na imbestigasyon  bumisita ang mga biktima sa kanilang kaibigan na si Teodorico Gabugan, sa Golden Ville, Brgy. 167, Llano kung saan nagkaroon ng inuman ang mga ito kasama ang suspek na kapitbahay ni Gabugan.

Nang makaubos ng ilang bote ng alak, nagpasya ang mga biktima na umalis dakong alas-9:10 ng gabi kung saan sinamahan pa ang mga ito palabas ng bahay  ng live-in partner ni Gabugan na si Emma, 55.

Subalit laking gulat ng mga biktima nang bigla silang undayan ng saksak ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tumakas ang suspek subalit makalipas ang ilang oras ay sumuko ito sa mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 7.

Show comments