500 pamilya sa Mandaluyong,pinagkalooban ng tig-P15K cash assistance

MANILA, Philippines — May 500 pamilya mula sa Mandaluyong City, na pawang naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tumanggap ng tig-P15,000 na emergency cash assistance mula sa pamahalaan.

Mismong si Mandaluyong City Mayor Carmelita Abalos, kasama ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang nanguna sa pamamahagi ng livelihood assistance grant na isinagawa sa city hall kamakalawa.

Kabilang sa mga benepisyaryo nito ay yaong mga ikinukonsiderang ‘poorest of the poor’ sa Mandaluyong.

“Layon nito na mabigyan ng kabuhayan ang mga indibiduwal na nawalan na kabuhayan dahil sa pandemya,” ayon kay Abalos sa isang pahayag sa Facebook.

Nabatid na ang cash aid ay bahagi ng emergency subsidy program ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Show comments