3 nagpositibo sa COVID-19 sa evacuation centers sa Marikina
Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - November 22, 2020 - 12:00am

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na nasa tatlo na ang naitatala nilang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga evacuation centers sa lungsod.

Ayon kay Teodoro, 110 katao ang nagkaroon ng reaction sa isinagawa nilang simultaneous rapid testing sa mga bakwit kamakailan kaya’t kaagad na isinailalim ang mga ito sa RT-PCR testing at dito nakumpirma na tatlo sa kanila ang positibo sa virus.

Kaagad umano nilang tinunton ang mga taong nakasalamuha ng mga ito at nang isailalim rin sa swab testing ay nagnegatibo naman ang mga ito sa virus.

“Nakapag-surveillance testing na sa evacuation centers. Tatlo ang nag-positive. ‘Yung mga contact nila ay negative,” ani Teodoro.

“PCR test ang mga ginawa natin. ‘Yung iba ay rapid test for purposes of screening. One hundred ten ang nagkaroon ng reaction sa rapid test. Out of that, 3 lang ang nag-positive,” aniya pa.

Matatandaang noong Huwebes, kinumpirma ni Teodoro na isang 68-anyos na lolo ang natuklasang positibo sa COVID-19.

Nito namang Biyernes,  dalawa pang evacuees ang positibo rin sa sakit, kaya’t umabot sa tatlo ang kaso ng sakit sa mga evacuation centers.

Ayon sa alkalde, ang mga pasyente ay kasalukuyan nang naka-isolate ay pawang asymptomatic o hindi kakikitaan ng sintomas ng CO­VID-19.

Nabatid na sa kasalukuyan ay aabot pa sa 12,000 indibiduwal o 3,000 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers dahil sa pananalasa ni bagyong ­Ulysses.

 

MARIKINA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with