Rider salpok sa poste, dedo

MANILA, Philippines — Patay ang isang rider nang sumalpok ang sinasakyan niyang motorsiklo sa isang poste sa Novaliches, Quezon City ka­makalawa ng hatinggabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na binawian ng buhay matapos na tumilapon at sumalpok ang ulo sa poste na nasa tabi ng kalsada.

Ayon kay Wilson Araño, safety officer ng Brgy. San Bartolome, mag-aalas-12:00 ng hatinggabi nang maganap ang aksidente sa Quirino Highway sa Novaliches.

Posible umanong nawalan ng preno ang rider kaya’t sinalpok ang isang poste sa nasabing kalsada.

Sa lakas ng impact tumilapon pa ang hindi pa nakikilalang rider at tumama ang kanyang ulo sa poste.

Nabatid na nakasuot naman ng helmet ang rider ngunit nagtamo pa rin siya ng matinding pinsala sa ulo.

Kagad namang naisugod ng rescue team ang biktima sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.

Ayon sa mga saksi, may mahinang pag-ulan sa lugar kaya’t may kadulasan ang kalsada at mabilis umano ang takbo ng rider na maaaring siyang dahilan kung bakit nawalan ito ng kontrol sa motorsiklo.

Show comments