2 Nigerian drug traffickers timbog sa raid

MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang kilabot na Nigerian national na hinihinalang mga miyembro ng “West African Drug Group” nang salakayin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang pinagtataguang bahay sa Cavite.

Kinilala ni NBI Offi­cer-in-Charge Eric Distor ang mga nadakip na drug traffickers ay sina Samuel Chukwuemera Duruibe at Mmdaduamaka Vitus Okolo alyas “Frank Irvin”.  Inaresto ang dalawa sa bisa ng search warrant na inilabas ng Imus City Regional Trial Court.

Ayon kay Distor, dati nang nadakip si Duruibe noong 2014 nang mahulihan ng dalawang kilo ng shabu.  Nagawa naman niyang makalaya nang mag­hain ng P1.5 milyong piyansa noong 2019 at muling bumalik sa ilegal na gawain sa pagtutulak ng droga.

Oktubre 2019 nang muling ma-monitor ng NBI-Task Force Anti-Illegal Drugs (TFAID) ang operasyon ni Duruibe at mga kasamahang Nigerian sa lalawigan ng Cavite dahilan para isailalim siya sa surveillance operation.

Nitong Hulyo 29, 2020 nang ikasa ng NBI-TFAID ang operas­yon sa may Montefaro Village sa Imus kung saan nahuli sa akto ang dalawang dayuhan sa posesyon ng nasa 181.21 gramo ng shabu.

Show comments