Chinese, apat timbog sa overpricing na medical supplies

MANILA, Philippines — Lima katao kabilang ang isang Chinese ang dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagbebenta ng overpriced na mga produktong medikal sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan at Quezon City kamakailan.

Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor ang mga nadakip na sina Chen Tian Man, John Derick Dela Rosa, Jomel Tapispisan, Sarah Grace Tapispisan at Nathaniel Pa­lingkod.

Sa naantalang ulat, unang isinagawa ang operasyon sa tapat ng isang botika sa may EDSA-Monumento sa Caloocan City nitong Abril 1. Ito ay makaraang makumpirma ang sumbong ng pagbebenta ng isang negosyante ng 100% alcohol sa halagang P37,500 kada isang drum sa kabila na nasa P25,000 lamang ang dapat na halaga base sa itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dito nagkasa ng entrapment operation ang Criminal Invesgtigation Division (CRID) at nadakip ang mga suspek na sina Dela Rosa, Jomel,  Sarah Grace at Palingkod.

Abril 2 naman nang madakip si Chen sa Quezon City nang magbenta ng non-contact thermal scanners sa halagang P4,400 bawat isa na malayo sa presyo ng DTI mula P599-P3,400.  Nasa 1,000 thermal scanners ang nasamsam sa bodega ni Chen tanda na lumabag siya sa hoarding at aabot sa halagang P4.4 milyon.

Nanawagan si Distor sa mga negosyante na huwag nang magsamantala sa panahon ng krisis upang tuluyang malagpasan ang pandemic.  Nangako siya na tutugisin lahat ng mga abusadong mga negosyante na patuloy na manloloko ng kapwa.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 7349 (Consumer Act of the Phils), RA 7581 (Price Act of the Phils) at RA 11469 (Bayanihan to Heal as One Act).

Show comments