Chinese nasagip, 2 kalahi na kidnaper arestado

MANILA, Philippines — Dalawa na namang  kidnaper na Chinese national ang naaresto ng mga elemento ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) habang nailigtas naman ang kinidnap ng mga itong kanilang kalahi sa isinagawang rescue operation sa Brgy. Tambo, Parañaque City nitong Huwebes ng madaling araw.

 Kinilala ni PNP-AKG Spokesman Police Major Rannie Lumactod ang nasagip na bihag  na si  Jiang Longgen, 32, tubong Sichuan, China.

 Arestado naman ang dalawang kidnaper na sina Niang Zhenquiang, 35 ng Jiangsu, China at Zhu Peijian, 35  ng Guangdong, China.

 Bandang ala-1:45 ng madaling araw  nang magsagawa ng operasyon ang  Luzon Field Unit ng PNP AKG matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa Operation Manager ng Okada Hotel hinggil sa pagdukot  ng mga suspect sa biktima.

 Nabatid na ang modus operandi ng loan shark syndicate ay pautangin ang mga nagka-casino na mga kapwa ng mga ito Chinese at kapag natalo ay kikidnapin ang potensyal na biktima at hihi­ngan ng malaking halaga ang pamilya kapalit ng kalayaan nito.

 Ang biktima ay nasagip  sa Seaside Drive, Brgy. Tambo, Parañaque City na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa nasabing mga suspect.

 Kaugnay nito, inihayag ng opisyal  na mas mataas ang casino related kidnapping for ransom (KFR)  noong 2019 kumpara noong nagdaang 2018.

 Base sa tala ng PNP-AKG, nasa 38 ang insidente ng casino related KFR noong 2019 kung saan 61 suspect ang naaresto at 22 namang biktima ang nasagip  habang 61 suspect ang nasakote.

 Samantalang nasa 22 naman ang naresolbang kaso habang 16 insidente naman ng KFR ang naitala noong 2018 kung saan 17 ang nasakote at tatlo ang nasagip.

Show comments