Ambush ng tandem: 1 patay, 1 sugatan

Nakilala ang nasawi na si Eduardo Berangberang, 33-anyos, ng Brgy. Canumay East, ng naturang lungsod. Isinugod naman agad sa Valenzuela City Medical Center ang kaniyang kasamahan na si Ranny Cainday.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isa ang patay habang isa pa ang malubhang nasugatan nang tambangan at pagbabarilin ng riding- in-tandem, kahapon ng umaga sa Valenzuela City.

Nakilala ang nasawi na si Eduardo Berangberang, 33-anyos, ng Brgy. Canumay East, ng naturang lungsod. Isinugod naman agad sa Valenzuela City Medical Center ang kaniyang kasamahan na si Ranny Cainday.

Sa inisyal na ulat ng Valenzuela City Police, alas-10:30 ng umaga nang maganap ang pananambang sa may Dulalia Street sa Brgy. Lingunan, ng naturang lungsod.

Sakay ang dalawang biktima ng isang gray na kotse na minamaneho ni Cainday nang biglang dikitan sila ng isang motorsiklo at paulanan ng bala. 

Agad na tumakas ang mga salarin makaraan ang pamamaril ngunit pinaniniwalaan na nakaganti ng putok ang mga biktima nang marekober sa kanilang kotse ang isang kalibre .45 baril sa may driver’s seat.

Patuloy ang masu­sing imbestigasyon ng pulisya sa insidente kung saan inaalam ang background ng dalawang biktima habang hihintayin din na tuluyang makarekober si Cainday at magbigay ng kaniyang pahayag.

Show comments