Biyahe mula Quezon City hanggang Taytay, 30-minuto na lang-DOTr

MANILA, Philippines — Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na malapit nang maging 30-minuto na lang ang biyahe mula Quezon City hanggang Taytay, Rizal.

Ito’y sa sandali uma­nong matapos na ang kontruksiyon at tulu­yan nang maging ope­rational ang Metro Rail Transit Line 4 (MRT-4).

“Dulo’t dulo kasama na ‘yung mga stops, sigu­ro mga 30 minutes. Less than one hour, definitely,” ayon kay DOTr Undersecretary for Planning and Project Develop­ment Ruben Reinoso Jr., na ang tinutukoy ay ang biyahe sa pagitan ng Taytay at Quezon City, sa sandaling makumpleto na ang konstruksiyon ng MRT-4.

Ayon sa DOTr, ang naturang 15.56-kilometer rail-based transit system, ay magsisimula sa Taytay Diversion Road sa Rizal, dadaan sa Ortigas Avenue, Cainta, Pasig, Mandaluyong, at San Juan, at magtatapos sa N. Domingo St. sa Quezon City.

Sa pagtaya ng DOTr, ang initial daily ridership ng MRT-4, na magkakaroon ng 11-istasyon, ay aabot sa 234,433 passengers.

Nakatakdang simulan ang konstruksiyon ng naturang P59.3-bilyong MRT-4 project sa taong 2021 at nakatakdang magtapos sa 2025.

Nabatid na ang gagamiting pondo sa konstruksiyon ng MRT-4 ay mula sa Asian Development Bank (ADB).

Show comments