48 tiklo sa SACLEO sa Quezon City

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 48 katao na sinasabing ‘tulak’ ng ipinagbabawal na gamot  sa isinasangawang Simultaneous Anti-criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) sa  Quezon City kahapon.

Ayon kay acting QCPD Director, P/Col.Ronnie Montejo ang 48 ay nahuli sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod sa isinagawang operasyon dakong ala-1:00 hanggang alas-5:00 ng madaling araw bunsod na rin ng reklamo ng mga residente na nakikipagtulungan sa pulisya.

Ayon kay Montejo, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga ‘force multipliers’ at tulong mismo ng mga residente na siyang direktang nagsusumbong sa pulisya dahil sa hangarin nilang malinis sa droga ng kani-kanilang barangay.

“Nagpapasalamat ang QCPD sa patuloy na suporta ng taumbayan sa ating kampanya laban sa illegal drugs, dahilan para magsagawa tayo ng mga anti-illegal drugs operation at mahuli ang mga suspek. Nananawagan tayo sa publiko na isumbong sa mga awtoridad ang sinumang involved sa mga ilegal na gawain para agad na maaksiyunan,” sabi ni Montejo.

Nakumpiskahan ng droga, marijuana at iba’t ibang drug paraphernalia ang mga nadakip na suspek.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa QCPD detention cell habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong drug pushing laban sa kanila.

Show comments