Ama patay sa pagtatanggol sa anak

MANILA,Philippines — Patay ang isang ama nang pagsasaksakin ng isang lalaki na nakaaway ng kanyang anak sa Tondo, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) si  Ireneo Peñalosa, 47, helper, at residente ng Palagatak, Gate 20, Parola Compound, Tondo, habang sumuko naman ang suspek na si Jonel Sta. Ana, 26, ng  Gate 20, Area H, Parola Compound, Tondo.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni P/SSg Edward Joseph Abad, ng Manila Police District -Police Station 2 (PS-2) na dakong alas-4 ng hapon nang maganap ang krimen sa harapan ng isang sari-sari store na matatagpuan sa Gate 20, Area H, Parola Compound.

Ayon sa saksi, nagtungo umano sa lugar ang 17-anyos na anak na lalaki ng biktima para dalawin sana ang huli, pero  sa hindi pa malamang dahilan ay narinig na lamang ng biktima ang suspek na pinagbabantaan ang binatilyo.

Dahil dito, sinugod ng biktima ang suspek sa isang basketball court at kinompronta na nauwi rin sa mainitang pagtatalo.

Natigil lamang ang dalawa nang awatin sila ng mga kapitbahay, kaya’t umalis na lamang ang biktima at nagpahinga sa tapat ng isang sari-sari store.

Gayunman, hindi alam ng biktima na sinundan siya ng suspek at walang sabi-sabing tinarakan ng patalim sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib bago mabilis na tumakas.

Show comments