2 Koreano tiklo sa mga pekeng pera

MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang Korean nationals makaraang mabisto sa pagtatangkang ipalit ang mga pekeng P1,000 bill  ng casino chips sa isang casino hotel sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga inaresto na sina Seong Bok Min, 52, isang call center agent at si Cheongyeol Yun, 49.

Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa loob ng casino ng Resort World Manila sa may Newport Boulevard sa Brgy. 183 Villamor, Pasay City.

Sa salaysay ni Donna Del Valle, 29, casino cashier, nagtangkang magpalit ng casino chips ng dalawang dayuhan.  Nagbigay ng 11 piraso ng P1,000 bill si Cheongyul habang apat na P1,000 bill naman ang tinangkang ipapalit ni Seong.

Nang suriin ni Del Valle ang mga pera bilang ‘standard operating procedure (SOP)’, natuklasan niya na peke ang mga perang ibinigay ng mga dayuhan. Humingi siya ng tulong sa mga security officers ng casino sa pangunguna ni Catherine Gaa at pasimpleng inaresto ang dalawang suspek.

Alas-10 ng gabi nang isuko ng pamunuan ng casino ang dalawang Koreano sa Villamor Police Community Precinct.  Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o “use of counterfeit money” sa Pasay City Prosecutor’s Office.

 

Show comments