Bentahan ng karne ng baboy sa Quezon City market, bumagsak ng 50%

MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na pagtumal sa bentahan ng karne ng baboy sa mga palengke, bumagsak na ng may 50 percent ang naibebentang baboy sa lungsod Quezon.

Partikular na naram­daman ang pagbaba ng benta sa karne sa Munioz Market.

Ayon sa mga meat sellers sa naturang pa­lengke, pababa nang pababa ang kanilang benta dahil sa ASF scare.

Anila kung dati ay nakakabenta sila ng hanggang tatlong baboy sa isang araw, ngayon ay isa at kalahating baboy na lamang ang naibebenta  .

Kahit anila mga suki nila ay hindi na namimili ng karne ng baboy kayat malaki ang kalugihan at bagsak ang kanilang kita na halos balik puhunan lang ang kanilang benta.

Kung dati ay umaabot sa P280 hanggang P250 ang kilo ng baboy, ito ngayon ay nababarat sa P170 kada kilo sa Muñoz Market.

Samantala, hinikayat ni QC Mayor Joy Belmon­te ang publiko na ugaliing tignan ang meat inspection certificate sa mga bibilhing karne ng baboy upang matiyak na ligtas ito sa anumang uri ng sakit.

“As they say, being forewarned is forearmed. Dobleng pag-iingat at pagbabantay ang ka­ilangan upang hindi tayo malusutan ng mga karneng may ASF at hindi malagay sa alanganin ang ating kalusugan,” pahayag ni Belmonte.

Nanawagan din si Belmonte sa mga consumers na agad ipagbigay alam agad sa City Veterinary Office at tawagan ang telepono bilang 988-4242 loc 8036  kung may mga  pork outlets na nagbebenta ng karne na walang  meat inspection certificates at walang katunayan mula sa slaughterhouses para sa kaukulang aksiyon.

Tiniyak naman ni Dr. Anamarie Cabel, head ng QC Veterinary Office na ang lahat ng city’s major markets at slaughterhouses ay round the clock na binabantayan para matiyak na ligtas kainin ang mga naibebentang karne sa mga pamilihan.

Show comments