Pagsulpot ng ASF sa bawat lokalidad, dapat isapubliko-Mayor Joy Belmonte

MANILA, Philippines — Nanindigan si Que­zon City Mayor Joy Belmonte na kailangang isapubliko at hindi itinatago ang tungkol sa pagkakaroon ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bawat lokalidad.

Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte nang abisuhan ng Malakanyang ang mga local gov’t units na huwag magpadalus-dalos sa pag-uulat ng kaso ng ASF at hintayin ang Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Belmonte, bilang alkalde, meron siyang moral responsibility kaya’t hindi na niya itinago ang pagkalat ng ASF sa kanyang lungsod lalo pa’t mismong sa DA niya nakuha ang impormasyon.

Una nang nakumpirma ng DA na ilan sa mga baboy na namatay sa Brgy.  Bagong Silangan sa QC ay positibo sa  ASF.

Kaugnay nito, sinabi ni Belmonte na may kaukulang ayuda naman na naipagkakaloob ang lokal na pamahalaan sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF bukod pa sa tulong na natatanggap nila sa national government.

Patuloy naman ang monitoring at pagsubay­bay ng City Veterinary Office sa mga backyard hog farm para mapigilan ang pagdami ng kaso ng ASF sa QC.

May mahigit 50 baboy na ang pinatay at nailibing sa QC matapos makumpirma na nagtataglay ng ASF.

Patuloy din ang pagbabantay ng City Vete­rinary Office sa mga pamilihan para matiyak na walang maipupuslit na mga double dead na karne para sa kapakanan ng mga consu­mers.

Sa ngayon, tanging Brgy. Bagong Silangan lamang sa QC ang may umusbong na kaso ng ASF.

Show comments