BJMP-NCR sumailalim sa surprise drug test
MANILA, Philippines — Isang surprise drug test ang isinagawa sa mga opisyales ng Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR) upang mabatid kung may gumagamit sa kanila ng ipinagbabawal na gamot.
Sa ulat, nasa 63 opisyales ng BJMP-NCR ang sumailalim sa surprise drug testing noong Biyernes sa pangunguna ni Regional Director Jail Chief Supt. Ignacio Panti at lumabas na negatibo sila sa paggamit ng illegal drugs.
Ginanap ang mandatory drug testing sa nasabing tanggapan sa Seneca Building, E. Rodriguez Ave Sr., Quezon City kasabay ng ginawang monthly meeting ng mga warden mula sa 43 piitan kasama ang mga female dormitories.
Pinamahalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency-Drug Laboratory Test Unit ang pagsasagawa ng drug testing sa mga opisyales ng BJMP-NCR upang makasiguro na hindi magkakaroon ng anomalya sa ginawang pagsusuri sa mga ito.
Sinabi ni Panti, ang drug testing ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang ang lahat ng mga opisyales na nanunungkulan sa pamahalaan ay hindi gumagamit ng bawal na gamot.
Idinagdag ni Panti, matapos ang mandatory drug testing sa mga opisyales, isusunod ang mga tauhan ng BJMP-NCR upang matukoy kung sino ang gumagamit ng bawal na droga.
- Latest