2 pulis sugatan sa granada na inihagis ng lalaki na sinita

MANILA, Philippines — Malubhang nasugatan ang dalawang pulis makaraang hagisan ng granada  ng isang lalaki na kanilang sinita dahil sa pagiging kahina-hinala sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Isinugod sa Taguig Pateros District Hospital sina P/EM Sergeant Santiago Cordova at P/Cpl Alnajim Abdulhalim, kapwa nakatalaga sa Taguig City Police Community Precinct 2.

Sa inisyal na ulat, nagpapatrulya ang dalawang pulis dakong ala-1 ng madaling araw sa kahabaan ng Maguindanao Street, Road 4, Brgy. New Lower Bicutan, nang mapansin ang isang lalaki na may  kahina-hinalang kilos.

Nang kanilang lapitan ang lalaki at sinisita ay biglang hinagisan ang mga pulis ng tatlong granada. Isa sa mga granada ang pumutok dahilan para tamaan ng mga shrapnel ang dalawang pulis sa kanilang pag-iwas habang nagawang makatakas ng suspect.

Mabilis namang naisugod ng Rescue Personnel ang dalawang pulis sa nabanggit na pagamutan.Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente at pagtugis sa suspect.

Show comments