Dry run sa bus ban inisnab

Sa kabuuang 3,000 pro­vincial bus, 31 lamang sa mga ito ang lumahok sa voluntary dry run ng pag­­babawal sa mga ito na dumaan sa EDSA kahapon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Inisnab ng nakarara-ming provincial bus ang  dry run sa EDSA kahapon.

Sa kabuuang 3,000  pro­vincial bus, 31 lamang sa mga ito ang lumahok sa voluntary dry run ng pag­­babawal sa mga ito na dumaan sa EDSA kahapon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.

Sinabi ni MMDA traffic czar Bong Nebrija na mas pinili ng mga operator na huwag pagsabihan ang kanilang mga driver na magbaba ng mga pasahero sa mga interim terminal makaraang makakuha sila ng court injunction laban   sa bus ban.

Lahat ng lumahok na 31 bus ay dumating sa Sta. Rosa Integrated Terminal sa Laguna habang wala na­mang dumating na bus sa Valenzuela Gateway Complex. Gayunman, nagkaroon pa rin ng trapik sa EDSA.

Nilinaw ni Nebrija na ang writ of preliminary injunction na ipinalabas ng Quezon City Regional Trial Court ay para sa provincial bus ban at hindi sa itinakdang drill kahapon.

“Dahil sa preliminary injunction, hindi namin maitulak ang patakarang ito.  Umaasa kaming makakakuha ng kahit 1,000 bus dahil merong 3,000 provincial bus. Pero, ang totoo, hindi namin nakuha ang norte at konti lang ang   nagmula sa katimugan,” sabi ni Nebrija sa panayam sa telebisyon.

Sinabi naman ni MMDA spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago na hindi nakakagulat na walang dumating na provincial bus sa Valenzuela Gateway Complex dahil ang mga bus operator nito ang mga petitioner na nakakuha ng injunction.

Gayunman, hindi itinigil ang dry run sa bus ban kahapon kahit napakakonti ang sumama.

Ang trapik kahapon sa EDSA ay pangunahin dahil sa maulang panahon kum-para sa sitwasyon noong Lunes at Martes  nang sama-samang magsiksikan ang mga city at provincial bus dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng yellow bus lines, ayon kay Pialago.

Nagkaroon lang anya  ng kalituhan nang pagba­walan ang mga provin­cial bus na pumasok sa mga tunnel at flyover na nag­palubha sa trapiko noong Martes.

Show comments