Caretaker, nagpatay-patayan para makaligtas sa kamatayan

Minartilyo ng ‘Akyat-Bahay’

MANILA, Philippines — Nagkunwaring patay ang isang caretaker upang makaligtas sa tiyak na kamatayan matapos siyang martilyuhin sa ulo at katawan ng isang lalaking hinihinalang miyembro ng ‘Akyat-Bahay gang’ na nanloob sa condominium unit na kanyang pinapasukan sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City kamakalawa.

Nilalapatan na ng lunas sa VRP Hospital ang biktimang nakilalang si Leonila Linga, 43, dahil sa mga sugat sa ulo at katawan habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

 Base sa report ng Mandaluyong City Police, dakong alas-3:40 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Unit 527 ng Urban DECA Condominium, 69 Sierra Madre, Brgy. Highway Hills at pagma-may-ari ni Victoria Despi, 52, negosyante.

 Natutulog pa umano si Linga na siyang caretaker ng condominium unit nang sirain ng suspek ang main door knob ng tahanan upang makapasok.  Nang makita nito ang biktima ay kaagad umanong minartilyo ng suspek sa ulo at katawan.  Nagkunwari namang patay ang biktima upang tigilan na siya ng suspek at makaligtas sa tiyak na kamatayan.

Nang makita naman ng suspek na wala nang malay ang biktima ay kaagad na itong tumakas tangay ang ninakaw niyang tatlong iba’t-ibang uri ng cellphone na nagkakahalaga ng tig-P5,000 o kabuuang P15,000, at P5,800 na cash money.

Show comments