Jeep, sinalpok ng truck: 1 patay, 7 sugatan

Ang nasawing babaeng pasahero ng jeep makaraang salpukin sila ng isang trak sa panulukan ng Timog at Scout Tobias sa Que­zon City. Tumalsik buhat sa loob ng jeep ang pasaherong si Jocelyn Flores dahil sa lakas nang pagkabangga na naging dahilan ng kanyang kamata­yan.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Isa ang patay habang pitong iba pa ang nasugatan matapos na salpukin ng truck ang sinasakyan nilang jeep, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Jocelyn Flores, 35, dalaga, ng Brgy.  Manresa, Quezon City.

Sugatan naman sina Amit Albent, Cathrina Romeo, Jonathan Baliane, Rose Marie Orgonia, Cheryn Tupaz, Jaz Bagumbayan at Dave Cordero na pawang pasahero sa jeep na   may plakang PAB-386 na minamaneho ni Angel Fabrero, 53.

Nakilala naman ang driver ng Fuso Canter na may plakang CAE-1961 na nakabangga sa sasakyan ng mga biktima na si Alfredo Gallosa, 41, ng Caniogan Pasig City.

Sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Timog Avenue cor Scout Tobias St.,  Brgy. Laging Handa, Quezon City.

Ayon sa report, binabagtas ng jeep ang kahabaan ng Timog Avenue galing Mother Ignacia nang banggain ng truck ang kaliwang bahagi ng saksakyan.

Sa lakas ng impact umikot ang jeep na dahilan upang humagis palabas si Flores at saka naipit.

Agad dinala sa Capitol Medical Center si Flores subalit idineklarang dead on arrival sanhi na rin na matinding pinsala na tinamo nito sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Dinala naman sa East Avenue Medical Center ang iba pang mga sugatan kung saan ginagamot ang mga tinamong mga sugat.

Nakakulong ngayon ang driver ng truck at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at da­mage to property.

Show comments