Holdaper todas, kasama tiklo sa shootout

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang suspek na si Edgar Cuerdo, 47, market porter; habang arestado naman ang kanyang kasamahan na si alyas “Jasper”, 17.
File Photo

MANILA, Philippines — Todas ang isang holdaper habang naaresto ang kasapakat nito matapos makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa naganap na holdapan sa isang gasolinahan kahapon ng umaga sa Brgy. Pinagbuhatan, sa lungsod ng Pasig.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang suspek na si Edgar Cuerdo, 47, market porter; habang arestado naman ang kanyang kasamahan na si alyas “Jasper”, 17.

Sa imbestigasyon ng Pasig City Police, bago naganap ang engkuwentro dakong alas-9:30 ng umaga sa  harapan ng isang gasolinahan sa Sandoval Avenue, Barangay Pinagbuhatan nang  makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na may nagaganap na holdapan na kinasasangkutan ng motorcycle riding suspects.

Rumesponde ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) at hinabol ang mga tumatakas na suspek at nang pinasusuko matapos abutan ay nanlaban umano ang mga ito, na nagresulta sa pagkamatay ni Cuer­do at pagkaaresto ni Jasper.

Nasamsam sa mga otoridad mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, apat na pakete ng hinihinalang shabu, isang pulang Yamaha Novo at isang cellphone.

Show comments