Lady cop pisak sa mixer truck

Ang lady cop na humandusay sa daan makaraang masal­­pok at magulungan pa ng isang mixer truck habang ang una ay sakay ng kanyang motorsiklo.
Non Alquitran

MANILA, Philippines — Masaklap ang sinapit na kamatayan ng isang lady cop nang masalpok at magulungan pa ng isang mixer truck habang lulan ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Bagong Ilog flyover sa lungsod ng Pasig kahapon ng umaga.

Dalawa pang rider na naararo din ng trak ang nasugatan.

Kinilala ang nasawing biktima, na si P/Corporal Arvi Jenifer Dagus Leaño, nakatalaga sa District Mobile Force Battalion (DMFB) ng EPD.

Ang biktima ay namatay noon din sanhi ng tinamong matinding pinsala kung saan ay nagulungan pa ng mixer truck ang ulo nito at nagkalasug-lasog rin ang katawan.

Samantala, sugatan din sa insidente at isinugod naman sa pagamutan sina August Yabat, 42 at Cecille Yabat, 43  magkaangkas sa motorsiklo.

Batay sa report na tinanggap ni Eastern Police District (EPD) Director P/Brig. Gen. Nolasco Bathan, naganap ang aksidente dakong alas-7 ng umaga sa kahabaan ng Bagong Ilog flyover south bound ng E. Rodriguez, Brgy. Bagong Ilog, Pasig City.

Base sa imbestigasyon, ang lady cop ay sakay ng Honda wave na motorsiklo nang masalpok ng mixer truck (UQY 410) at nagulungan nang pumailalim sa nasabing behikulo.

Naaresto naman ang driver ng mixer truck ng mga nagrespondeng tauhan ng Pasig City  Police. Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.  

Show comments