5 sugatan sa gumuhong lupa

MANILA, Philippines — Lima katao ang isinugod sa pagamutan makaraang gumuho ang lupang kanilang tinutulugan sa loob ng isang construction site sa ginagawang walong palapag na gusali sa Taguig City, kahapon ng umaga.

Isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan ang mga biktima na inisyal na nakilalang sina Filimon Calaglag, 47; Ernesto Temosa, 46; Evelyn Solares, 40; Glenn Solares, 42, at isa pang hindi pa nakilalang biktima na pawang mga vendors.

Sa ulat ng pulisya, natutulog ang mga biktima sa tabi ng construction site sa may kanto ng General Santos Avenue at Daang Hari sa Brgy. San Martin De Porres, Taguig nang gumuho ang lupa dakong alas-6 ng umaga.

 Nakasama sa pagguho ang limang biktima na agad na nailigtas ng mga rumespondeng residente at mga opisyal ng barangay buhat sa higit walong metrong hukay.

Hinala ng mga opisyal ng barangay, maaaring lumambot ang lupa dahil sa magdamag na pag-ulan kaya hindi na nakayanan ng semento at gumuho.

 Nabatid na hinuhukay ang lugar para pagtayuan ng isang walong palapag na gusali sa tabi ng riles ng tren na pinupuwestuhan naman ng mga vendors.

Show comments