3 miyembro ng ‘Boratong drug syndicate’, timbog

Kinilala ni NCRPO Chief, P/Major Gen. Guillermo Eleazar ang mga inaresto na sina Raihana Pontino, 37; Aliola Sultan, 24 at Jassir Panggaga, 23, kapwa tubong Marawi City.
Joven Cagande

MANILA, Philippines —  Timbog sa mga awtoridad ang tatlong drug suspects na miyembro ng notoryosong ‘Boratong drug syndicate’ kung saan nakumpiska sa kanila ang nasa P6.8 mil­yong halaga ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni NCRPO Chief, P/Major Gen. Guillermo Eleazar ang mga inaresto na sina Raihana Pontino, 37; Aliola Sultan, 24 at Jassir Panggaga, 23, kapwa tubong Marawi City.

Sa ulat, alas-11:25 nang magkasa ng buy-bust ope­ration ang Regional Drug Enforcement Unit katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency at Mandaluyong City Police sa may Shaw Boulevard target ang isang malaking grupo na nagbabagsak ng iligal na droga sa Metro Manila.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang maisagawa ang buy-bust at mapaligiran sila ng mga pulis.

Nakumpis­ka sa kanilang posesyon ang limang plastic bag na may tig-100 gramo o kalahating kilo ng shabu na ibinenta sa poseur buyer sa halagang P800,000; 10 plastic pack na may lamang tig-50 gramo o kalahating kilo ng shabu; walong bungkos ng tig-P1,000 o kabuuang halaga na P800,000 at isang silver gray na Toyota Revo (XGP 331) na ginamit sa pag-deliber ng iligal na droga.

Ayon sa pulisya, konektado ang grupo sa sindikato na pinamumunuan ni Ahmin Buratong na nakakulong sa New Bilibid Prisons (NBP).  Patuloy na nag-o-operate ang mga galamay ni Buratong sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal sa kabila ng kanyang pagkakakulong.

Nabatid pa na target ang mga suspek ng ilang operasyon sa Pasig City ngunit palaging nakakatakas sa mga pulis hanggang sa ikasa ang panibagong buy-bust operation na resulta ng matagal na intelligence build-up.

Idinagdag pa ni Eleazar na si Pontino ay naaresto na noong 2018 sa Pasig City ng NCRPO Regional Special Operations Unit dahil sa iligal na droga at armas ngunit nagawang makapagpiyansa.

 Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 in relation to Section 26 of R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2012) sa korte. 

Show comments