Babae nag-'bomb joke' sa LRT-1, kalaboso ang bagsak

Kinilala ang suspek bilang si Maribeth Florentino, 23-anyos mula Caloocan City, ayon sa spot report na ipinadala ng Southern Police District sa kanilang Viber group.
BusinessWorld, File

MANILA, Philippines — Arestado ang isang babae matapos diumanong magbirong may bomba sa Light Rail Transit-1 sa Baclaran station, Lungsod ng Pasay nitong Miyerkules.

Kinilala ang suspek bilang si Maribeth Florentino, 23-anyos mula Caloocan City, ayon sa spot report na ipinadala ng Southern Police District sa kanilang Viber group.

Haharap sa kasong Presidential Degree 1727 o "Malicious Dissemination of False Information Concerning Bomb" si Florentino matapos mag-joke patungkol sa bomba bandang 8:15 a.m, ika-5 ng Hunyo 2019.

Nahuli siya ng lady guard na si Erlinda Unabia, 51-anyos, na nakatalaga sa parehong istasyon.

Kinumpirma naman ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, ang insidente, ayon sa ulat ng dzBB.

Maaaring makulong ng hindi lalagpas sa limang taon, o multang hindi lalagpas sa P400,000 o pareho ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.

Show comments