Adik sa dota napagsarhan ng computer shop, nanaksak

MANILA, Philippines — Kulungan ang binagsa­kan ng isang dota player nang saksakin niya ang bantay ng computer shop na naabutan niyang nakasarado na, kahapon sa Navotas City.

Nakaditine ngayon sa Navotas City Police Detention Center ang suspek na si Emilio Ruiz, 31, binata, at nakatira sa Tabing-Dagat, Brgy. Daanghari, ng naturang lungsod.

Isinugod naman sa Tondo Medical Cen­ter ang biktimang si Jerry Eloy Soria­no, 38-anyos at residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Navotas City Police, alas-12:10 ng madaling araw nang dumating si Ruiz sa computer shop na inabutan niyang nakasarado na.  Sa pagnanais na makalaro ng paborito niyang laro na dota, pina-kiusapan niya ang katiwala na si Soriano na buksan ang shop.

Tumanggi naman si Soriano dahil sa madaling araw na at sayang lang ang kuryente dahil sa mag-isa lamang si Ruiz na magiging kustomer.

Dito nagalit ang suspek at nagkaroon ng pagtatalo.  Lingid sa kaalaman ng biktima, may bitbit na patalim ang suspek na binunot niya at ilang beses na inundayan si Soriano. 

Nagawang makatakbo palayo ni Soriano at makahingi ng tulong sa mga pulis na nagsugod sa kanya sa pagamutan at nagsagawa ng follow-up operation kaya nadakip ang suspek at narekober ang may 11 pulgadang patalim na kanyang ginamit.

Nahaharap ngayon ang suspek na si Ruiz sa ka-song Frustrated Homicide sa Navotas City Prosecutor’s Office.  

Show comments