Fire truck bumangga sa puno, 4 fire volunteers sugatan

Hindi na nakarating sa kanilang rerespondehang sunog sa Vitas sa Tondo, Maynila ang mga firefighters matapos na bumangga sa puno ang kanilang sinasakyang fire truck kung saan apat sa kanila ang nasugatan.
Kuha ni Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Apat na fire volunteers ang nasugatan matapos bumangga sa puno ang sinasakyan nilang fire truck, kaha­pon ng madaling araw sa Vitas, Tondo, Maynila.

Hindi agad pinanga­lan ang mga biktima na kinabibilangan ng tatlong lalaki at isang babae, at pawang fire volunteers mula sa Maypajo, Caloocan City.

Ayon kay Manila Po­lice District (MPD) Director P/Senior Supt. Vicente Danao, pasado alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa bahagi ng Honorio Lopez Boulevard sa Tondo, habang sakay ang mga biktima ng isang fire truck, at reresponde sana sa isang sunog na sumiklab sa Vitas, dakong alas-12:25 ng madaling araw.

Nabatid kay Erwin Saranza, kasamahan ng mga biktima, mabilis ang kanilang takbo nang biglang sumulpot ang isang kotse sa kanilang unahan kaya’t iniwasan ito ng kanilang driver, dahilan para mabangga ito sa puno. Nakaupo umano sa itaas ng truck si Saranza, pero nagawa niyang makakapit ng mahigpit sa truck kaya’t hindi siya nahulog, habang ang iba naman niyang mga kasamahan ay nahulog sa kalsada, na nagresulta sa pagkakasugat ng mga ito.

Hindi naman na nakita pa ng mga awtoridad ang pasaway na kotse na nagresulta sa pagkaka-aksidente ng mga fire volunteers.

Show comments