Madugong b-day party: 1 patay, 1 kritikal

Hindi na umabot ng buhay sa Rizal Medical Center ang biktimang si Reniel Colina, habang nasa kritikal na kondisyon naman si Re-Anne Diamante, matapos na pagbabarilin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na ‘Jericho’ at ‘Ram.’
File Photo

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay habang sugatan naman ang kanyang kasamang babae matapos na pagbabarilin  ng dalawang lalaking  kapwa nila bisita sa isang birthday party  matapos na mapagkamalan ng isa pang bisita na waiter ang mga una  sa isang restaurant sa Brgy. Kalawaan, Pasig City kamakalawa.

Hindi na umabot ng buhay sa Rizal Medical Center ang biktimang si Reniel Colina, habang nasa kritikal na kondisyon naman si Re-Anne Diamante, matapos na pagbabarilin sa iba’t  ibang bahagi ng katawan ng mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na ‘Jericho’ at ‘Ram.’

Sa imbestigasyon ni PO2 Eric Gabay, ng Pasig City Police, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa parking area ng isang restaurant sa M. Jimenez St., Brgy. Kalawaan.

Bago ang krimen ay pawang naimbitahan ang mga suspek at mga biktima sa birthday party ng isang Sarah Morcillos.

Sa kasagsagan naman ng kasiyahan at inuman ay napagkamalan umano ng isang Joselito Pamilaran na waiter ang mga suspek, at humingi ng yelo sa mga ito.

Sinasabing nainsulto umano ng mga suspek, kaya’t lumabas na lamang ang mga ito ng naturang restaurant. Nagtungo sa parking area ang mga suspek at dito naman nila nakita ang mga biktima na siyang napagdiskitahan.

Ayon sa testigong si Jess Aguilar, parking attendant, isa sa mga suspek ang bigla na lang nagbunot ng baril at kaagad na pinagbabaril ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nang makitang duguan nang humandusay ang mga biktima ay mabilis nang tumakas ang mga suspek sakay ng isang gray na kot­se, at tinutugis na ngayon ng mga pulis.

Isinugod naman ng mga testigo sa pagamutan ang mga biktima ngunit dead on arrival na si Colina.

Show comments