Vendors sa Carriedo nagpapasaklolo

Nakapagtataka rin na isang alyas Ryan Guerrero lamang na nagpakilalang kanang kamay daw ni Madrigal at pinaka- “bossing” ng mga kolektor ng mga vendors ang tanging humaharap sa kanila subalit wala namang ipinakikitang dokumento tulad ng kontrata na dapat ibahagi sa kanila bilang patunay na sila na ang bagong organizer.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Nanawagan kay Manila Mayor Joseph Estrada ang 240 negosyante na miyembro ng asosasyon ng mga vendors sa Carriedo na paimbestigahan ang  isang Leo Madrigal  at Luis Madrigal na nagpapakilalang bagong  organizer na maniningil ng arawan nilang bayad sa puwesto.

Nakapagtataka rin na  isang alyas Ryan Guerrero lamang na nagpakilalang kanang kamay daw ni Madrigal at pinaka- “bossing” ng mga kolektor ng mga vendors ang tanging humaharap sa kanila subalit wala namang ipinakikitang dokumento tulad ng kontrata na dapat ibahagi sa kanila bilang patunay na sila na ang bagong organizer.

Ang dati kasing organizer na humahawak sa grupo ng mga vendors sa Carriedo ay may pinanghahawakang kontrata kung saan nakasaad ang mga kondisyon at alituntunin partikular sa bayarin.

Sabi nila, wala namang problema kung bago man ang kanilang organizer basta’t humarap lang sana sa kanila upang makilala ng personal at matiyak na legal, may wastong proseso at kontrata ang pananatili nila bilang manininda sa lugar.

Nangangamba sila ngayon na baka magkatotoo ang bulung-bulungan na ang dati nilang binabayarang P80 sa kada 1x1 sukat ng kanilang puwesto ay madagdagan pa ng P40 na masyado ng mabigat sa kanilang bulsa. 

Hirit nila ngayon kay Chief Insp. Leandro Gutierrez ng Plaza Miranda PCP na bigyan sila ng proteksiyon sakaling mapatunayang bogus o peke lang ang nagpapakilalang organizer na nais mangolekta sa kanila lalo na’t may impormasyon na isa umanong opisyal ng Manila City Hall ang nasa likod ng nagpapakilalang bagong organizer.

Show comments