Biyahe ng PNR kinansela dahil sa baha

Sa abiso ng PNR, nabatid na kabilang sa mga riles ng PNR na inabot ng baha ay ang bahagi ng Magsaysay Crossing, sa Sta. Mesa; Paco Station sa Paco; at Dimasalang sa Blumentritt, pawang sa Maynila.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Kinansela kahapon ang biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) matapos lumubog sa baha ang ilang bahagi ng riles nito na dala ng malakas at pabugsu-bugsong ulan na dulot ng hanging habagat at bagyong Henry.

Sa abiso ng PNR,  nabatid na kabilang sa mga riles ng PNR na inabot ng baha ay ang bahagi ng Magsaysay Crossing, sa Sta. Mesa; Paco Station sa Paco; at Dimasalang sa Blumentritt, pawang sa Maynila.

Umabot sa tatlo hanggang limang pulgada ang lalim ng naitalang pagbaha sa mga riles kaya’t napilitan ang PNR na kanselahin na ang pang-umagang biyahe ng kanilang mga tren para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga commuters.

Partikular na nakansela ang mga biyaheng patungo sa Alabang, gayundin ang magkakasunod na biyahe patungo ng Tutuban.

Samantala, istranded din ang ilang mga tren ng PNR sa bahagi ng Alabang, Sucat, Dela Rosa, Vito Cruz at Pandacan Stations, at isinisingit na ibinibiyahe lamang kapag bumaba ang baha sa mga riles.  

Samantala, iniulat naman ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na ilang istasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang binaha rin kahapon dahil sa mga pag-ulan.

Hanggang 9:30 ng umaga ay umabot ng  hanggang tuhod ang baha sa R. Papa station at  5th Avenue station sa Caloocan habang nasa gutter deep naman ang baha sa Bambang Station, Pedro Gil station at United Nations station, sa Maynila, habang lampas naman sa gutter deep ang baha sa Balintawak station sa Quezon City.

Show comments