Parak dinedo sa parking lot ng NAPOLCOM

MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman mismo sa parking area ng tanggapan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa Makati City kahapon ng hapon.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa kalibre .9mm at namatay noon din ang biktimang si PO2 Teejae Valdez, nakatalaga sa Marikina City Police.

Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya para sa pagkakakilanlan ng suspect.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Alfred Reyes, ng Station and Investigation and Detective Management Branch (SDMB), Makati City Police, naganap ang insidente pasado alas-3:00 kahapon ng hapon mismo sa parking area ng NAPOLCOM sa Jupiter St., Brgy. Bel  Air ng naturang siyudad.

Nabatid na kagagaling lamang sa isang hearing sa tanggapan ng NAPOLCOM ang biktima at  habang naglalakad ito sa parking area ay biglang sumulpot ang isang lalaki na armado ng baril.

Walang salitang pinagbabaril ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, kaagad  na tumakas ang hindi nakikilalang gunman, na naglalakad lamang.

Inaalam na rin kung may CCTV camera sa lugar para malaman kung nahagip ang  insidente na posibleng makakapagbigay linaw sa naganap na krimen. 

Show comments