2 ‘tulak’ naaresto sa Mandaluyong

MANILA, Philippines — Hindi akalain ng dalawang lalaking kapwa hinihinalang illegal drug courier, na ang hindi nila pagsusuot ng helmet habang naka-motorsiklo, ang magiging dahilan nang pagkakadakip sa kanila ng mga tauhan ng Mandaluyong City Police sa Brgy. Plainview kamakalawa.

Naghihimas na ng rehas na bakal ang mga naares­tong suspek na sina Arnold Compacion, 24, at James Formentera, 18, kapwa residente ng Brgy.Addition Hills, Mandaluyong City.

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Reynaldo Biay, nabatid na dakong alas-4:45 ng hapon nang maaresto ang mga suspek  sa Maysilo Circle kanto ng F. Martinez Avenue, sa Barangay Plainview.

Nagsasagawa ng simul­taneous anti-criminality ope­ration ang mga tauhan nang Police Community Precinct 2 (PCP-2) nang ma­mataan ang mga suspek, na magka­angkas sa isang pulang Yamaha Mio 125 na motorsiklo, ngunit walang helmet kaya’t kaagad silang pinara nina PO1 Henry Macabeo at PO1 John Socalo.

Sa inspeksyon ng mga dokumento, tanging official receipt lamang para sa student permit ang naipakita ng driver na si Compacion.

Nang hingian ng iba pang balidong identification (ID) card, napilitan si Compacion na ilabas ang kanyang pouch at binuksan sa harapan ni PO1 Socalo, at dito na nadiskubre ang 12 transparent sachets na naglalaman ng pulbos, na hinihinalang shabu. Dito na sinimulang kapkapan ng mga pulis pati si Formentera, na nakuhanan ng isang plastic sachet ng shabu sa beywang ng kanyang shorts.

Hinala ng mga pulis na magdedeliber ng shabu ang dalawa nang matiyempuhan ang mga ito.

Show comments