MANILA, Philippines — Umatake na naman ang ‘Dugo-Dugo Gang’ na nakatangay ng cash, alahas at mahahalagang dokumento nang malinlang ang kapatid ng isang account manager na nagdala ng safety box sa isang lugar, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa reklamong inihain sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ni Marilou Constantino,39, residente ng San Andres, Maynila, ang kapatid niyang si Violy Constantino, 49, ang nakatanggap ng tawag sa landline nitong Abril 26 ala- 1:30 ng hapon.
Isang babae ang caller na nagsabing naaksidente si Marilou at kaya magpadala ng malaking halaga ng pera.Pero di naglaon ay nagkasundo na magkikita na lamang sila para dalhin ang safety box.
Nagtagpo si Violy at ang babaeng suspect sa isang food chain sa Taft Avenue at General Luna St., kung saan kinuha ng huli ang safety box. Sinabihan na lamang umano si Violy na maghintay doon at darating ang kapatid na si Marilou.
Nang mahimasmasan ay naisip niya na isang oras siyang naroon na walang dumarating hanggang sa magpasya na umuwi ng bahay.
Sa bahay ay natuklasan na naroon na si Marilou at hindi totoo na nadisgrasya bagkus ay nabiktima sila ng nasabing grupo.