Nene dinukot

MANILA, Philippines — Isang 5-anyos na batang babae ang dinukot ng isang mister kamakalawa ng gabi sa Malabon City. 

Nakakulong ngayon sa Malabon City Police  ang suspect na nakilalang si Kenneth Gabriel, 33, taga-#45 Rivera St., Brgy. Tinajeros ng naturang siyudad. 

Ang biktima naman ay itinago sa pangalang Liz.

Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Mary Jane Belza  ng Women’s and Children Protection Desk ng  Malabon City Police, naganap ang pagdukot sa loob ng Diwa Sports Complex sa Brgy. Tugatog ng naturang siyudad noong Biyernes ng gabi. 

Naglalaro ang biktima kasama ang kanyang mga pinsan nang nilapitan ang mga ito ng suspect at inalok na bibilhan ng popcorn.

Ikinatuwa naman ng mga bata at dito niyaya ng suspect ang biktima na samahan siya sa pagbili ng popcorn. 

Subalit, nagtataka ang mga pinsan ng biktima dahil ilang oras na ay hindi pa ito bumabalik. Dito na sila nagduda na dinukot ang biktima hanggang sa ipinaalam na nila sa kanilang lola na si Lolita Cardona Marquez.

Kaagad naman humingi ng tulong ang lola sa pulisya hanggang sa nagkasa ng rescue operation ang mga ito. 

Alas-8:30 ng gabi nang mamataan ng mga pulis ang suspect na kasama nito ang biktima sa panulukan ng M. H. Del Pilar at Cobra Sts., Brgy. Tugatog ng naturang siyudad. 

Dito na dinakip ang suspect at matagumpay namang nailigtas ang paslit na biktima. 

Dahil dito, sinampahan ng mga pulis ng kasong Abduction ang suspect.

Show comments