Miyembro ng sindikato ng ‘dismissal’ ng kaso, timbog

MANILA, Philippines — Natuldukan na ang raket ng isang babaeng miyembro umano ng sindikato na nagbebenta ng ‘dismissal’ ng kaso sa mga nakabilanggo kapalit ng salapi sa isang entrapment operation, sa Malolos City, Bulacan.

Sa ulat ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran, bukod sa arestadong si Maricris Robles Yusi na kilala rin bilang Maricris Waived Yusi, masusi ring iimbestigahan ang mga pangalan na nai-name dropped nito na koneksiyon at maimpluwensiya sa korte para makakuha ng pabor na desisyon at mapalaya ang detainees na  nagbayad.

Pinaniniwalaang hindi lamang si Yusi ang nasa likod ng sindikato na naghihimok sa mga kaanak ng mga preso na laya nilang gawan ng paraang makalaya ang kanilang kaanak  dahil sa koneksiyon na magpoproseso sa Bulacan Regional Trial Court (RTC) Judges, Public Attorneys’ Office (PAO) at Prosecution Office.

Nag-ugat ang pag-aresto nang maghain ng reklamo ang isang Emeris Layva hinggil sa nakuha nilang pekeng court order na inalok ni Yusi. Umasa umano siyang makalalalaya ang kapatid na lalaki na nakapiit sa Bulacan Provincial Jail kapalit ng pera.

Nang beripikahin, mariing itinanggi ng PAO-Bulacan Office at nag-isyu sila ng disclaimer hinggil sa pangalan ng isang PAO lawyer nila na isinabit ng suspek sa modus operandi ng sindikato.

Maliban pa dito, kinondena rin ni Bulacan RTC Branch 11 Judge Felizardo Mentero ang paggamit ng kaniyang pangalan na nakalagda umano sa pinekeng dokumento sa modus ng suspek.

Inatasan ni Gierran ang NBI-BULDO na ikasa ang entrapment laban sa suspek noong Marso 12, 2018 sa isang fast food chain sa MCArthur Highway, sa Malolos dahilan upang maaktuhan si Yusi na tumatanggap ng marked money mula sa complainant.

Nakapiit na ang suspek sa reklamong estafa through falsification of public documents sa City Prosecutor ng Bulacan.

Show comments