P1.5 milyong shabu nasamsam: 5 tinedyer timbog

MANILA, Philippines — Aabot sa P1.5 milyong halaga ng hinihinalang   shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Nor-thern Police District (NPD) sa posesyon ng limang tin­edyer sa isang operasyon na umabot sa Meycauayan, Bulacan, Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni NPD Director, P/Chief Supt. Amando Clifton Empiso ang mga nadakip na sina Alsamil Ismael, 18; Adih Aklabul, 18; at tatlong lalaking may edad 17 at 16-taong gulang.

Nakumpiska sa kanila ang 15 plastic sachet ng hinihinalang shabu na   may 150 gramo at tinata­yang nasa P1.5 milyon ang street value.

Ayon kay Empiso, natukoy nila base sa testimonya ng ilang ‘tulak’ ng droga na una nilang nahuli na ang grupo ng mga kabataang suspek ang nagsu-suplay sa kanila ng iligal na droga na kanilang inilalako sa mga lungsod ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela). 

Sa patuloy na ‘case build-up’ at ‘intelligence gathering’, natukoy ng NPD ang pinagkukutaan ng sindikato sa may Sitio Kabatuhan, Brgy. Camalig, Meycauayan, sa lalawigan ng Bulacan.  Dito na bumuo ng ‘composite team’ ang NPD Special Operations Unit at Drug Enforcement Unit at nagkasa ng ‘buy-bust operation’. 

Hindi na nakapalag ang mga kabataang suspek nang dakpin ng mga pulis dakong alas-11:45 ng gabi nang bumili ang mga operatiba ng ilang bulto ng shabu sa kanila.  Dinala naman ang mga ebidensya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory para sa kumpirmasyon kung shabu nga ito.

Hinikayat ni Empiso ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa pulisya sa paglinis sa kalsada sa iligal na droga. Bukas umano ang kanilang mga hotline numbers para sa kanilang impormasyon. Maaaring mag-text o tumawag sa: 287-3717, 0920-8684916 at 0917-3885970.

Show comments